Huwebes, Marso 2, 2017

KABANATA VIII MALIGAYANG PASKO


I. BUOD

           Pagkagising ni Juli, agad niyang tinungo ang kinalalagyan ng Mahal na Birhen upang alamin kung ibinigay nga ba ang hinihiling niyang pera para sa kalayaan ng ama niyang si Kabesang Tales. Inaliw na lamang niya ang kanyang sarili ng makitang walang himalang naganap. Dahil dito kinailangan niyang magpa-alila para makakuha ng pera. Naghanda na siya upang tumungo sa bahay ng amo na si Hermana Penchang. Siya ay umalis habang naiwan naman si Tata Selo na napakalungkot kahit pasko na.

          Tuwing pasko ang mga bata ay binibihisan nang magara ng kanilang mga ina upang magsimba ng maaga at pagkatapos ay dadalhin sa kani-kanilang mga ninong at ninang upang mamasko at manghingi ng aguinaldo. Hindi ito nagustuhan ng mga bata dahil sila ay ginigising ng napakaaga, pilit silang pinapakanta at pinapasayaw, at kinukuha ng mga magulang nila ang kanilang mga aguinaldo. Kung hindi sila susunod sila'y kukurutin.

          Dumating ang mga kamag-anak ni Tatang Selo upang mamasko. Labis ang lungkot ng matanda dahil alam niyang wala siyang maibibigay. Nang tangkain ni Tandang Selo na batiin ang mga kamag-anak na dumalaw sa kaniya upang mamasko, laking gulat nilang lahat na walang salitang lumabas sa kaniyang bibig. Sinubukan niyang pisilin ang lalamunan, pihitin ang leeg, sinubukang tumawa subalit kumibut-kibot na lamang ang kanyang mga labi. Napipi si Tandang Selo.


II. TAUHAN
  • Juli - anak ni Kabesang Tales at kasintahan ni Basilio; napilitang manilbilhan kay Hermana Penchang upang matubos ang ama sa pagkadakip.

  •  Tata Selo - ama ni Kabesang Tales; lolo ni Juli; napipi dahil sa lungkot.

  • Hermana Penchang - mayaman at madasaling babae na pinaglilingkuran ni Juli.
  • Kabesang Tales - siya ang ama ni Juli at anak ni Tata Selo na dinakip ng mga guwardiya sibil.


III. SULIRANIN

          Sa kabanatang ito, ang suliranin ay ang hindi pagkakaroon ng pera ni Juli para palayain ang kanyang amang dinukot na si Kabesang Tales. Kapos na kapos ang pamilya niya sa paskong iyon na kahit kaunting aguinaldo para sa mga kamag-anak na bumisita ay wala silang maibigay, lalo itong naging mahirap para kay Juli nang mapipi si Tata Selo, ang kanyang lolo.

          
IV. ISYUNG PANLIPUNAN

          KAHIRAPAN - ang pamilya ni Juli ay walang wala na kaya siya ay napilitang manilbihan. Sa henerasyon natin ngayon maraming tao ang napipilitang magtrabaho sa murang edad dahil sa kahirapan. Minsan rin ang kahirapan ang nagtutulak sa mga tao upang gumawa ng masama para lang manatiling buhay dahil sa kawalan ng pang araw-arawng pangangailangan. Sa kabanatang ito mapapansin rin na araw ng pasko ngunit si Juli ay umalis para magtrabaho kaya ang saya na dapat maipadama niya sa kanyang pamilya ay napalitan ng lungkot dahil kinailangan niyang maghanap-buhay .

               
V. GINTONG ARAL

          Kapag ikaw ay nahihirapan laging tandaan na ang Diyos ay iyong karamay. Kung may problema ka magdasal ka, pero pagsikpan mo ang bagay na gusto mong makamit, gagabayan ka ng Maykapal kung ikaw ay magpupursigi at bibigyan ka niya nang lakas para harapin ang mga pagsubok nang buhay. Ika nga "nasa tao ang gawa nasa Diyos ang awa".


MARAMING SALAMAT